Binigyang-diin ng kilalang istoryador na si Michael Charleston “Xiao” Chua sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan ang tunay na diwa ng Araw ng Kalayaan, na hindi lamang isang paggunita sa kasaysayan kundi isang malaking responsibilidad para sa bawat Pilipino.
Ayon kay Chua, mahalagang maunawaan ang kasaysayan kung bakit ipinagdiriwang ang kalayaan tuwing Hunyo 12. Bagama’t ibinalik ng mga Amerikano ang kasarinlan noong Hulyo 4, 1946, inilipat ito ni dating Pangulong Diosdado Macapagal sa Hunyo 12 upang gunitain ang proklamasyon ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong 1898. Ang hakbang na ito ay pagkilala sa tagumpay ng himagsikang Pilipino laban sa 330 taong pananakop ng mga Espanyol.
Ipinaalala ni Chua na ang kalayaan ay “pinaghihirapan” at hindi dapat balewalain dahil maaari itong mawala kung hindi babantayan ang mga karapatang pantao at ang demokrasya. Binigyang-puna rin niya na bagama’t wala na ang mga dayuhang mananakop, nahaharap pa rin ang bansa sa mga “internal” na kaaway gaya ng mga mapangsamantalang pulitiko at negosyante.
Aniya, ang tunay na pagsasarili ay nangangahulugan na tayo na ang nagdidikta ng direksyon ng ating buhay.
Sa kabila ng mga hamon, nakikita ni Chua ang interes ng mga kabataan sa kasaysayan sa pamamagitan ng social media. Naniniwala siya na ang mabisang pagkukuwento ng kabayanihan ng mga ninuno ay magsisilbing “bukal ng pagmamahal sa bayan” at magbibigay ng kumpiyansa sa mga Pilipino na maging mahusay sa kani-kanilang larangan.
Binanggit din niya ang negatibong epekto ng korapsyon, gaya ng mga palyadong imprastraktura, na nagpapakita kung bakit kailangang isabuhay ang pag-ibig sa bayan sa lahat ng aspeto ng trabaho.
Bilang pagtatapos, sinipi ni Chua ang kaisipan ni Emilio Jacinto na ang tunay na kalayaan ay nagsisimula sa kalooban—kung saan isinasantabi ang pansariling interes para sa ikabubuti ng lahat.
Inanyayahan din niya ang publiko na makilahok sa mga pagdiriwang, kabilang ang kanyang nakatakdang pagsasalita sa Quezon City Government sa darating na Hunyo 12.









