Aabot sa kabuuang 6,224 na paaralan sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao ang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama nitong umaga ng Lunes, Hunyo 8, ayon sa Department of Education (DepEd).
Batay sa ahensya, kabilang sa mga apektadong lugar ang mga rehiyon ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga.
Bukod sa mga paaralan, tinatayang 3.2 milyong mag-aaral at mahigit 128,000 guro at iba pang school personnel ang naapektuhan ng naturang lindol.
Dahil dito, inanunsyo ni DepEd Secretary Sonny Angara ang suspensyon ng mga klase sa lahat ng antas sa mga tinamaang lugar hanggang sa maglabas ng panibagong abiso ang kagawaran.
“Layunin ng hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan,” ayon sa kalihim.
Ayon pa kay Angara, nakapagpadala na ang DepEd ng mga structural engineer upang magsagawa ng damage assessment sa mga paaralan at magbigay ng kinakailangang suporta sa mga regional team.
Pinahintulutan din ng kagawaran ang paggamit ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga paaralan para sa agarang minor repairs ng mga nasirang pasilidad na nagkakahalaga ng hanggang P50,000.
Samantala, tiniyak ng DepEd na may nakalaan ding hiwalay na pondo at emergency resources para sa mga pagkukumpuni at rehabilitasyong mangangailangan ng mas malaking gastusin.
Inatasan din ni Angara ang lahat ng paaralan na mahigpit na ipatupad ang mga hakbang sa paghahanda laban sa lindol, kabilang ang pagsunod sa evacuation procedures at regular na pagsasagawa ng earthquake drills upang mapanatili ang kahandaan ng buong school community sa anumang sakuna.










