Nabigo umano ang planong pampalihis ng 18 dating sundalo ng Philippine Marines para ma-divert ang atensyon ng publiko mula sa nalalapit na Senate impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Kamara para sa impeachment trial, lalo lamang nagalit ang taumbayan dahil halata ang layunin ng ginawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Huwebes.
Inihalintulad ni Adiong ang pagdinig sa isang “press conference” na walang impartiality o pagkapanig, kung saan ginamit lamang ang institusyon ng Senado upang bigyang-legalidad ang mga kwento ng grupo.
Idinawit ng mga dating sundalo si Adiong at iba pang mambabatas sa umano’y pagtanggap ng milyun-milyong kickback mula sa mga pekeng flood control project.
Mariing itinanggi ni Adiong ang alegasyon at sinabing hindi niya kilala ang mga ito.
Dahil dito, kinokonsulta na niya ang kaniyang abogado para magsampa ng kaukulang kaso sa korte.
Binigyang-diin din ni Adiong na hindi karapat-dapat tawaging “Marines” ang grupo dahil sinisira nila ang reputasyon ng prestihiyosong institusyon, lalo pa’t nilinaw ng militar na natanggal na sila sa serbisyo bago pa man pumasok sa mga ilegal na aktibidad.










