Matagumpay na naaresto ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang Top 1 Most Wanted Person sa antas panlalawigan at Top 2 Most Wanted Person sa antas munisipal sa isinagawang intelligence-driven operation sa Brgy. Baybay Lopez, sa bayan ng Binmaley, lalawigan ng Pangasinan,

Pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Pangasinan PPO sa pakikipag-ugnayan sa Provincial Intelligence Team (PIT) Pangasinan, Regional Intelligence Unit 1 (RIU 1), Bugallon Municipal Police Station, at Binmaley Municipal Police Station.

Ang pag-aresto sa akusado ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, First Judicial Region, Branch 68 sa Lingayen, Pangasinan. Nahaharap ang suspek sa tatlong bilang ng kasong Statutory Rape at walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

--Ads--

Matapos ang pag-aresto, dinala ang akusado sa kustodiya ng Binmaley Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso.

Ayon sa Pangasinan PPO, ipinakita ng matagumpay na operasyon ang kahalagahan ng masusing pangangalap ng impormasyon at matibay na koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng kapulisan sa pagtunton at pagdakip sa mga taong may kinahaharap na kaso sa batas.

Sa ilalim ng pamumuno ni PCOL Dennis L. De Leon, Officer-in-Charge ng Pangasinan PPO, patuloy na pinaigting ng kapulisan ang kampanya laban sa mga wanted person bilang bahagi ng kanilang mga hakbang upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa buong lalawigan.

Nanatiling nakatuon ang Pangasinan PPO sa pagpapatuloy ng mga manhunt operation at iba pang law enforcement initiatives upang matiyak na ang mga akusadong may pananagutan sa batas ay maiharap sa hukuman at mapanagot sa kanilang mga kaso.