Nagpahayag ng malaking kagalakan ang sektor ng transportasyon sa Pangasinan kasunod ng ipinatupad na “big-time” price rollback sa produktong petrolyo nitong nagdaang Martes.
Sa isang panayam, sinabi ni Bernard Tuliao, Presidente ng One Pangasinan Transport Federation, na malaking ginhawa para sa mga tsuper ang pagbaba ng presyo ng diesel nang aabot sa ₱9.26 kada litro. Bukod sa rollback na ito, binigyang-diin din ni Tuliao ang kahalagahan ng patuloy na ₱10 discount kada litro sa diesel para sa mga pampublikong sasakyan (PUVs) sa mga akreditadong gasolinahan.
Nilinaw niya na hindi lahat ng sasakyan ay awtomatikong makakakuha ng diskwento. Ang LTFRB ay nagsumite ng listahan ng mga miyembro ng kooperatiba at kanilang mga transport unit sa mga gasolinahan.
Kasalukuyang dumadalo si Tuliao at iba pang mga chairman ng transportasyon sa isang konsultasyon kasama ang LTFRB hinggil sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP). Ang planong ito ay sumasailalim sa amiyenda tuwing ikatlong taon. Layon din ni Tuliao na gamitin ang pagkakataong ito sa “open forum” upang isangguni ang mga mungkahi ng sektor sa LTFRB, kabilang ang usapin kung babawiin ba ang mga petisyon para sa fare hike dahil sa pagbaba ng presyo ng langis.
Nagpahayag din ng suporta si Tuliao sa panukalang pagkakaroon ng sariling petroleum reserve ng bansa. Ayon sa kanya, ito ay mahalaga upang magsilbing “buffer” o reserve sakaling magkaroon ng sigalot sa Middle East o problema sa world market, nang sa gayon ay hindi biglaan ang pagtaas ng presyo at magkaroon ng kontrol ang gobyerno.
Sa gitna ng banta ng baha at paparating na pasukan, pinaalalahanan ni Tuliao ang mga miyembro ng kooperatiba na tiyaking “roadworthy” o nasa mabuting kondisyon ang kanilang mga sasakyan. Tinitiyak niya sa mga pasahero na sa kabila ng mga hamon sa presyo ng crudo, mananatiling tuloy-tuloy ang serbisyo ng mga tsuper sa lalawigan.









