Ibinahagi ni Dr. Ace John Mark Liwanag, PSU Faculty Regent ang iba’t ibang hakbang at programa ng administrasyon ng Pangasinan State University na naglalayong mapataas ang kalidad ng edukasyon at mapanatili ang mataas na performance ng unibersidad sa licensure examinations.

Ayon kay Liwanag, malaki ang naging papel ng administrasyon ng unibersidad sa patuloy na pag-unlad ng PSU, lalo na sa pagpaparami ng faculty items na nakatulong upang mapababa ang bilang ng mga estudyante kada klase.

Mula umano sa dating humigit-kumulang 60 estudyante kada silid-aralan, nabawasan ito sa nasa 40 na lamang, bagay na nakatutulong upang mas mabigyan ng pokus ang kalidad ng pagtuturo.

--Ads--

Binanggit din niya na isa sa mga pangunahing prayoridad ng administrasyon ay ang faculty development kung saan may inilaan na hindi bababa sa P20,000 na budget para sa pagsasanay at seminar ng mga guro.

Sa pamamagitan nito, mas napauunlad umano ang kakayahan at kaalaman ng mga faculty members na direktang nakatutulong sa mga estudyante.

Ipinunto rin ni Liwanag ang patuloy na pagpapaganda at pagpapalawak ng mga pasilidad ng unibersidad sa ilalim ng administrasyon ni PSU President Dr. Elbert Galas. Kabilang dito ang pagsuporta sa pagkuha ng external funding upang masuportahan ang mga proyekto at pangangailangan ng unibersidad.

Isa sa mga pangunahing proyektong nabanggit ay ang P350 milyong pondo mula sa Department of Agriculture para sa pagtatayo ng soil laboratory at animal laboratory na magsisilbing national center for agriculture.

Bukod dito, patuloy din umanong pinauunlad ng PSU ang mga kagamitan at laboratory equipment lalo na sa larangan ng engineering upang masiguro ang kalidad ng pagtuturo at hands-on learning ng mga estudyante.

Ayon kay Liwanag, ang mga hakbang na ito ng administrasyon ay bahagi ng mas malawak na layunin ng unibersidad na makapagbigay ng dekalidad na edukasyon at makalikha ng mas marami pang board passers at topnotchers sa mga susunod na taon.