Nagpakita ng husay at determinasyon ang mga pambato ng Ilocos Region sa larangan ng karate matapos makapag-uwi ng tatlong silver medal mula sa ginanap na Palarong Pambansa 2026 sa Agusan del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Alejandro Enrico Vasquez, sinabi nitong dumaan sa matinding pagsubok at mahigpit na kompetisyon ang mga atleta bago makamit ang tagumpay.
Kabilang sa mga nagbigay ng karangalan sa Region 1 Karate Team sina Shane Enrico Vasquez na nagwagi ng silver medal sa 16 to 18 years old Male Open Kata, Govinda Devi Dasi Mesina na nakasungkit ng silver medal sa 13 to 15 years old Female Open Kumite, at Jurre Cris S. Soriano na nagkamit naman ng silver medal sa 10 to 12 years old Male Open Kata.
Ayon kay Vasquez, bagama’t dumaan sa butas ng karayom ang mga atleta, ipinakita pa rin ng mga ito ang kanilang buong kakayahan at dedikasyon sa laban.
Aniya, nagmula pa ang mga atleta sa sunod-sunod na pagsabak sa iba’t ibang torneo kaya limitado lamang ang kanilang pahinga bago ang Palarong Pambansa.
Dagdag pa nito, isa rin sa naging hamon ng koponan ang pagod at puyat dahil sa layo ng kanilang accommodation mula sa venue ng kompetisyon.
Gayunpaman, nakita umano niya na ibinigay ng bawat atleta ang kanilang buong makakaya upang maipagmalaki ang Region 1.
Sa panayam naman kay Shane Enrico Vasquez, sinabi nitong bagama’t hindi man niya nakuha ang gintong medalya ay masaya pa rin siya sa naging resulta at nangakong mas pagbubutihin pa ang paghahanda sa susunod na kompetisyon.
Ibinahagi naman ni Jurre Cris S. Soriano na naging maganda ang kanyang pakiramdam matapos makapasok sa finals. Pareho ring sinabi ng dalawang atleta na mataas ang kanilang kumpiyansa at hindi sila pinanghinaan ng loob sa laban.
Sa kasalukuyan ay naghahanda na ang mga atleta para sa iba pang local at international tournaments upang lalo pang mahubog ang kanilang kakayahan sa karate.










