Mariing kinondena ni Raymond de Vera Palatino, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN, ang umano’y paggamit sa Senado para protektahan ang mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng usapin ng impeachment laban sa pangalawang pangulo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sinabi ni Palatino na nakakadismaya umano ang kasalukuyang sitwasyon sa Senado dahil sa halip na gampanan nito ang mandato bilang bahagi ng Kongreso, nagagamit umano ito para sa pansariling interes ng ilang personalidad.

Ayon sa kanya, sa halip na mapabilis ang proseso ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, nagiging balakid pa umano ang ilang senador na kaalyado ng pamilya Duterte.

--Ads--

Binigyang-diin rin ni Palatino na malaking hamon ngayon ang pagpapanumbalik ng kredibilidad ng Senado sa harap ng mga kontrobersiyang kinahaharap nito.

Ayon sa kanya, hangga’t nasa impluwensiya umano ng mga kaalyado ni Duterte ang Senado, mahihirapan ang publiko na makakita ng isang patas at transparent na proseso, lalo na sa usapin ng impeachment trial.

Nagbabala rin siya na posibleng magkaroon umano ng mga hindi pangkaraniwang hakbang sa Senado upang maprotektahan si Duterte.

Kaya’t nanawagan ito sa mga senador na pairalin umano ang integridad at huwag gamitin ang kanilang kapangyarihan upang hadlangan ang paghahanap ng katotohanan at hustisya.