Nagpahayag ng pagkadismaya ang Alliance of Concerned Teachers kaugnay ng mga nagaganap na pagbabago sa liderato ng Senado, kabilang ang pagpapalit ng mamumuno sa Senate Committee on Basic Education.

Ayon kay Ruby Bernardo, National Chairperson ng naturang grupo mahalagang maisantabi ang pulitika upang matutukan ang lumalalang krisis sa sektor ng edukasyon at mapangalagaan ang kapakanan ng milyun-milyong estudyante at halos isang milyong guro at kawani sa bansa.

Binigyang-diin ni Bernardo na bagama’t may mga pagbabago sa liderato, kinakailangang maipagpatuloy ang mga programang nasimulan na ng komite, lalo na ang mga usaping may direktang epekto sa mga paaralan at guro.

--Ads--

Ayon sa kanya, sa ilalim ng pamumuno ni dating committee chair na si Bam Aquino, nagkaroon ng pagtaas sa budget para sa edukasyon na tinawag nilang “historic,” ngunit nananatili pa ring kulang ang pondong inilalaan para sa sektor.

Aniya, ang kakulangan sa pondo ang dahilan ng kakulangan sa classrooms, learning materials, teaching personnel, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga paaralan.

Isa rin sa mga pangunahing usaping tinalakay ni Bernardo ay ang implementasyon ng three-term school calendar na kasalukuyang pinag-aaralan ng Department of Education.

Ayon sa ACT, nababahala sila sa pagbawas ng bilang ng school days mula 180 tungo sa 163 araw ng klase sa ilalim ng bagong sistema.

Dagdag pa niya, dapat ding ikonsidera ang pagiging vulnerable ng bansa sa mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol, at pagputok ng bulkan na madalas makaapekto sa klase.

Nanawagan din ang ACT sa bagong chair ng komite na si Loren Legarda na magsagawa ng malawakang konsultasyon sa iba’t ibang sektor upang direktang marinig ang kalagayan ng mga guro, estudyante, at paaralan.

Kabilang sa mga prayoridad na nais itulak ng ACT ay ang dagdag-sahod para sa mga guro, mas malaking budget para sa edukasyon, pagdaragdag ng classrooms, teaching at non-teaching personnel, at sapat na learning materials.