Handa na ang panig ng mga biktima ng drug war na iharap ang kanilang mga ebidensya at witnesses sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30.

Inihayag ni Atty. Neri Colmenares, legal counsel ng mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings, na ang status conference ngayong Nobyembre 2 ang huling pagkakataon upang plantsahin ang mga detalye ng trial.

Nakahanda na ang kanilang opening statements at mga ebidensyang magpapatunay sa naging papel ni Duterte at sa epekto ng kampanya kontra droga sa buhay ng mga biktima.

--Ads--

Tinatayang nasa 60 hanggang 70 witnesses ang maaaring iharap ng prosecution habang may 52 stipulations pa ang posibleng pagkasunduan ng magkabilang panig.

Bagama’t may limitasyon sa budget ang legal team para sa pagpunta sa Netherlands, tiniyak ni Colmenares na magkakaroon pa rin sila ng opisyal na kinatawan sa pagdinig.

Binigyang-diin din ng abogado na batay sa independent medical assessment, ang dating pangulo ay fit na humarap sa paglilitis sa kabila ng posibleng pag-waive nito sa kanyang pagdalo sa status conference.