Dagupan City – Nabigla ang pamunuan ng St. Michael the Archangel Parish sa Brgy. Tebeng, Dagupan City matapos mawala ang 27 sako ng semento at 35 piraso ng bakal na nakalaan sana para sa pagpapalawak ng parking area at pagpapagawa ng bakod sa likod ng simbahan.

Ayon sa pamunuan, matagal na pinag-ipunan at pinaghandaan ng simbahan ang mga materyales bago tuluyang maisakatuparan ang proyekto.

Bagama’t ikinadismaya ng pamunuan ang nangyaring pagnanakaw, umaasa pa rin silang maibabalik ang mga gamit at handa silang huwag nang magsampa ng kaso sakaling kusang isauli ito ng responsable.

--Ads--

Dahil sa insidente, pansamantalang itinigil ang konstruksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng barangay at pulisya sa mga tinutukoy na persons of interest.

Sa kabila nito, nananatiling bukas ang simbahan sa pagpapatawad at nananawagan din ng tulong at donasyon upang maipagpatuloy ang proyekto para sa mga parokyano.