Dagupan City – Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Region 1 na nagpapatuloy ang pagpapatupad ng fuel subsidy at service contracting program para sa mga public utility vehicle drivers sa rehiyon bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Regional Director Cristal Sibayan, ang fuel subsidy program ay mula sa Department of Transportation at LTFRB at ipinamamahagi kada batch sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Sinabi nito na may mahigit 500 pang drivers ang inaasahang makatatanggap ng fuel subsidy sa mga susunod na araw sa oras na dumating ang pondo sa kanilang tanggapan.
Kasabay ng pamamahagi ng cash relief assistance, nagpapatuloy rin umano ang service contracting program ng pamahalaan na pangunahing nakatuon sa mga modernized public utility vehicles.
Ayon sa LTFRB, nasa mahigit 300 modernized units sa Pangasinan ang kasalukuyang kabilang sa naturang programa.
Ipinaliwanag ni Sibayan na layunin ng service contracting program na matulungan ang mga operator at driver ng modernized jeepneys lalo na sa kanilang pagbabayad ng amortization sa bangko habang pinananatili ang maayos na serbisyo sa mga pasahero.
Sa ilalim ng programa, mino-monitor umano ang biyahe ng mga sasakyan mula sa itinakdang ruta o point A hanggang point B gamit ang QR code scanning system upang matiyak na naibibigay nang maayos ang serbisyo.
Dagdag pa nito, may benepisyo ring matatanggap ang mga pasahero sa ilalim ng service contracting program kabilang ang 20 porsiyentong diskwento para sa regular passengers.
May karagdagang 20 porsiyentong diskwento rin umano para sa mga senior citizen at persons with disability bukod pa sa kasalukuyang diskwentong kanilang tinatanggap.
Patuloy namang pinag-aaralan ng Department of Transportation ang pagpapalawak ng service contracting program upang mas marami pang public utility vehicle operators at drivers ang makinabang sa programa ng pamahalaan.










