Dagupan City – Posibleng maharap sa kasong Obstruction of Justice ang mga taong umano’y tumulong o naging responsable sa pagkawala at pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law Expert at Litigation Lawyer maituturing na “perfectly fit” umano sa obstruction of justice ang sinumang nagbigay ng logistics, proteksyon, o tulong upang hindi maaresto ang senador.
Dito na rin nilinaw ni Cera na dapat ay gobyerno mismo ang magsampa ng kaso laban sa mga posibleng sangkot, kabilang ang ilang opisyal mula sa DILG, NBI, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Aniya inaasahan na sanang maaaresto si Dela Rosa matapos itong muling lumitaw makaraan ang matagal na hindi pagpapakita sa publiko, lalo na kasabay ng pagbabago sa liderato ng Senado.
Gayunman, sa kabila umano ng anim na buwang paghahanap, wala pa ring agarang aksyon o pag-aresto na isinagawa laban sa senador.
Dahil dito, isa sa mga nakikitang anggulo ni Cera ay posibleng “staged” lamang umano ang buong pangyayari.
Binanggit niyang kapansin-pansin na tila nagtatawanan pa ang ilang sangkot matapos ang insidente at wala ring naiulat na nasugatan o napinsala.
Aniya, dahil dito ay malinaw umano ang “level of negligence” ng ilang awtoridad kabilang ang Sergeant-at-Arms, DILG, at maging si Interior Secretary Jonvic Remulla kaugnay sa umano’y pagtakas ni Dela Rosa.
Binigyang-diin ni Cera na nakakadismaya ang pangyayari dahil maraming nagtatanong kung bakit umano naging napakadali para kay Dela Rosa na makaalis o makaiwas sa mga awtoridad.
Hindi rin umano maganda para kay Cera ang naging pahayag ni Senate President Allan Cayetano na “free” namang umalis si Dela Rosa dahil wala naman umano itong warrant sa bansa.
Ipinaliwanag din niya ang probisyon ng 1987 Constitution kaugnay ng pag-iisyu ng warrant of arrest, na karaniwang nagmumula sa isang hukom, bagama’t may ilang pagkakataong may ibang legal na mekanismo ring maaaring gamitin depende sa sitwasyon.
Ayon pa kay Cera, tila ang pangunahing layunin umano ng mga nangyayari ay ma-delay o ma-obstruct ang kaso ni Dela Rosa.
Sa kabila ng mga nagpapatuloy na imbestigasyon, umaasa si Cera na hindi lamang matatapos sa usapin ang insidente at may mga mananagot umano sa nangyaring pagtakas ng senador.










