DAGUPAN CITY- Umaasa at humihiling ang ilang mga residente sa Barangay Palapad sa bayan ng San Fabian na magkakaroon ng permanenteng solusyon ang problemang kinakaharap nila sa langgaw dahil sa poultry sa kanilang barangay.

Ayon kay Charis Jowen Cadelina na isang dekada na nila itong prinoproblema kung saan nahihirapan na sila sa kanilang pang-araw-araw na ginagawa gaya ng pagluluto, pagtulog, at pagkain.

Dati tumatagal lamang ng dalawang linggo ang problema tuwing panahon ng pag-aani o harvest ng manok ngunit ngayon ay umaabot na ito ng isang buwan.

--Ads--

Ayon naman kay JoJo Basbas, nahihirapan na din ito lalo na sa pagluluto dahil naisasahog ang mga langgaw na nagsasanhi ng pagkasira nito na dina makain ng tao at nakakairita dahil sa dami nila.

Saad naman ni Lolita R. Monses na nagkakasakit na din ang mga bata lalo na ang mga umiinom ng gatas kung saan nadadapuan ang kanilang mga gatasan na nagsasanhi ng pananakit ng tyan at pagsusuka.

Sinabi din ni Luzviminda Namoca na gagawa ang mga tauhan ng poultry ng paraan para masolusyunan ang problema pero hanggang ngayon ay di pa nakikita ang resulta.

Batay sa pagmamasid ng mga residente, ang mga langaw ay pangunahing nagmumula sa dalawang poultry farm sa kanilang barangay.

Noong nakaraang taon pa lamang ay naramdaman na ng mga residente ang pagdami ng mga langaw, ngunit lalong lumala ngayon dahil sabay na nag-ani ang dalawang poultry farm..

Idinagdag pa nila na may isang poultry farm na maayos pa ang paghawak ng kanilang mga dumi at basura samantalang ang isa naman ay hindi pa rin maayos ang kanilang paraan ng pagtatapon at paghawak ng mga dumi ng manok na siyang pangunahing dahilan ng mga langaw.

Dahil dito, Inaasahan ng mga residente na sa pagdinig na gaganapin sa Mayo 13 sa Sanguniang Bayan ay bibigyang pansin ng lokal na pamahalaan ang kanilang hinaing at makapagbigay ng permanenteng solusyon.

Sa kabilang banda, sinabi ni Kagawad Raul Abedania na sa halos 3 hearing sa kanilang barangay ay naiakyat na umano ito sa Sangguniang bayan kung saan aantayin na lamang ang magiging resulta nito.

Pagbabahagi naman ni Gloria Agunday na malaking tulong din ng poultry sa kanila lalo nat nabibigyan umano siya ng trabaho kapag harvest season.

Binanggit pa nito na hindi naman siya masyado apektado dahil hindi naman ito palagi sapagkat dumadami lamang ang langgaw tuwing harvest season kaya nasasanay na lamang sila.

Samantala, pinuntahan naman natin ang poultry sa lugar pero walang sinumang tao na nakausap ang aming team pero inaasahan na dadako sa committee hearing ang may-ari o representative ng nasabing poultry farm para ilahad ang kanilang panig.