Dagupan City – Umabot na sa siyam na barangay sa nakalipas na linggo ang bilang ng mga biglaang binisita at inspeksyon ng lokal na pamahalaan ng Dagupan sa kanilang mga Materials Recovery Facility (MRF) bilang bahagi ng pagpapatupad ng “no segregation, no collection” policy.
Pinangunahan ang pagbisita ni Mayor Belen T. Fernandez kasama ang Waste Management Department (WMD) at iba pa.
Ayon kay Bernard Cabison ang Head ng nasabing opisina na kabilang sa kanilang mga nabisita na ay ang barangay Salisay, Bolosan, Mamalingling, Herrero Perez, Lucao, Malued, at tatlong iba pa.
Ito ay alinsunod sa utos ng alkalde na layuning makontrol ang dami ng basura, mapagaan ang mga tinatapon sa landfill na magdudulot ng tipid sa gastos sa basura ng lungsod.
Sa bawat pagbisita, nagbibigay aniya ng parangal ang alkalde sa mga barangay na maayos ang paghihiwalay ng basura sa pamamagitan ng mga kagamitang pang-basura tulad ng garong na malaking tulong para sa mga makikipot na daanan.
Binibigyang-diin na dapat na maayos na nahihiwalay ang mga basura sa nabubulok at di-nabubulok na uri.
Hindi lamang ang lokal na pamahalaan ang nagsasagawa ng inspeksyon – kasama rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 1 para tiyakin na sumusunod ang bawat barangay sa mga alituntunin ng Ecological Waste Management Act of 2002 o Republic Act 9003.
Mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na MRF para sa pagsasaayos ng basura na kinokolekta mula sa mga kabahayan bago ito dalhin ng mga trak ng lungsod para sa tamang disposisyon.
Hinihikayat din ni Cabison ang mga mamamayan na igalang ang patakaran sa paghihiwalay ng basura. Handang tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga barangay na nangangailangan ng tulong – maaari silang humiling ng materyales tulad ng yero at tabla para sa pagkukumpuni o pagtatayo ng kanilang mga MRF.
Samantala, Ang patuloy na pagpapatupad ng “no segregation, no collection” policy at mga inspeksyon sa mga MRF ay patunay ng pangako ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng lungsod.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga barangay, mga awtoridad, at mga mamamayan, mas mapapabuti pa ang sistema ng pagbabasura sa Dagupan, na magdudulot ng mas malinis na kapaligiran at mas mataas na antas ng kaginhawahan para sa lahat.










