Dagupan City – Posible pa ring ma-apprehend o maaresto si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sakaling ipatupad ang warrant of arrest laban sa kaniya kaugnay ng kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert at litigation lawyer na hindi maiiwasan ni Dela Rosa ang pagpapatupad ng anumang legal na kautusan kung maglalabas ng warrant ang mga kinauukulang awtoridad.

Ipinaliwanag ni Cera na may limitasyon ang proteksiyong maaaring ibigay ng Senado sa ilalim ng tinatawag na “protective custody,” na karaniwang naaangkop lamang sa mga kasong may mababang kaparusahan o yaong may sentensyang anim na taon pababa.

--Ads--

Ngunit sa usapin ng mga kasong may kaugnayan sa crimes against humanity, sinabi niyang maaaring hindi sapat ang naturang proteksiyon dahil mas mabigat ang legal na batayan para sa pag-aresto.

Dagdag pa niya, nakasalalay rin sa magiging hakbang ng pamahalaan, kabilang ang Department of Justice kung paano ipatutupad ang anumang kautusan laban sa senador.

Binigyang-diin din ni Cera na nananatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga respondent sa war on drugs dahil ang mga alegasyong krimen ay naganap noong miyembro pa ng ICC ang Pilipinas.

Samantala, sa usapin na hawak ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang warrant of arrest mula sa ICC, sumama lamang ito sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa.

Sinabi ni Cera na tila tugon lamang ito sa naunang hamon ni Dela Rosa na handa siyang magpaaresto kay Trillanes kung sakaling dumating ang ICC.

Gayunman, binalaan ni Cera na kung piliin umano ni Dela Rosa na umiwas sa mga awtoridad, tumakas, o magtago, maaari siyang maituring na isang fugitive o takas sa batas.