Dagupan City – Bubuksan na ng Civil Service Commission (CSC) Field Office-Western Pangasinan ang aplikasyon para sa ikalawang batch ng Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) na gaganapin sa Agosto 9, 2026.
Sinabi ni Romel S. Rivero, ang Senior Human Resource Specialist CSC Field Office-Western Pangasinan na tatanggap sila ng aplikasyon mula Mayo 14 hanggang Hunyo 10.
Tinatayang nasa 4,300 slots ang inilaan ng CSC Western Pangasinan para sa mga aplikante sa una, ikalawa at ikatlong distrito ng Pangasinan.
Maaari rin umanong mag-apply ang ilang residente mula sa ikaapat na distrito depende sa kanilang lokasyon at kagustuhan kung saan kukuha ng pagsusulit.
Isasagawa ang Career Service Professional examination sa Pangasinan National High School habang sa Pangasinan State University naman gaganapin ang Subprofessional examination.
Ayon kay Rivero, kinakailangang hindi bababa sa 18-anyos ang aplikante at nakatugon sa educational requirement upang makakuha ng pagsusulit para sa professional o subprofessional level.
Aniya, ang subprofessional eligibility ay maaaring magamit sa mga clerical, secretarial at administrative positions sa gobyerno habang ang professional eligibility naman ay para sa mas mataas na government positions.
Gagamitin muli ng CSC ang Online Civil Service Examination Application System o OCSEAS para sa aplikasyon.
Kinakailangang gumawa muna ng account ang aplikante sa OCSEAS Portal
bago makapagpareserba ng slot.
Magbubukas ang online reservation ng slots alas-8 ng umaga sa Mayo 13, isang araw bago ang simula ng aplikasyon.
Sa Western Pangasinan, maglalaan ang CSC ng 300 slots kada araw mula Lunes hanggang Huwebes, kabilang ang 250 slots para sa professional level at 50 slots para sa subprofessional level.
Ipinaliwanag ni Rivero na layunin ng online application system na maiwasan ang mahabang pila sa tanggapan at maging mas maayos ang proseso ng aplikasyon.
Bukod sa pen-and-paper test, maaari ring kumuha ng Computerized Examination o COMEX sa CSC Regional Office 1 kung saan malalaman agad ng examinee ang resulta sa loob ng parehong araw.
Target namang ilabas ng CSC sa Oktubre 12, 2026 ang resulta ng pagsusulit na gaganapin sa Agosto 9.










