Nagbabala ang Philippine Egg Board Association, na nahaharap sa matinding hamon ang industriya ng itlog sa bansa dahil sa epekto ng El Niño at patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Francis Uyehara, Presidente ng nasabing asosasyon, isa sa mga pangunahing epekto ng matinding init ay ang paghina ng pagkain ng mga alagang manok.
Dahil dito, bumababa ang kalidad at laki ng itlog na kanilang nalilikha, na nagreresulta sa oversupply ng maliliit na sukat ng itlog sa merkado.
Kasabay nito, nananatiling mataas ang presyo ng malalaking itlog dahil sa limitadong suplay, habang ang medium at small sizes ay mas marami ngunit hindi tumutugma sa kasalukuyang demand.
Bukod sa epekto ng panahon, malaking problema rin ang tumataas na gastos sa enerhiya at animal feeds. Ayon kay Uyehara, mahigit 60–70% ng production cost sa egg industry ay napupunta sa feeds, na karamihan ay inaangkat mula sa ibang bansa.
Dahil sa mababang farmgate price ng itlog at mataas na gastos sa produksyon, napipilitan ang ilang poultry farmers na magbawas ng kanilang alagang manok upang makabawas sa gastusin.
Babala ni Uyehara, maaaring magdulot ito ng mas malaking problema sa hinaharap. Kapag bumalik sa normal ang demand, hindi agad makakahabol ang produksyon, na posibleng magresulta sa kakulangan ng supply.
Bagamat may hakbang ang pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng mataas na presyo ng fuel at mais—tulad ng pag-aangkat sa ilalim ng minimum access volume—aminado si Uyehara na hindi pa ito sapat upang matugunan ang pagkalugi ng mga producer.
Nanawagan din ang industriya na sana ay maramdaman ng mga konsyumer ang pagbaba ng farmgate prices sa retail market.










