Nasawi ang isang 64-anyos na ginang sa bayan ng Rosales matapos siya mabangga ng isang bus habang siya ay namamalimos sa gitna ng Don Teofilo Sison Bridge sa Barangay Carmen West.

Ang biktima ay isang Persons with Disability (PWD) at senior citizen na nakatayo sa gitna ng tulay at lumalapit sa mga dumadaang motorista para mamalimos nang aksidenteng mabangga ng paparating na bus.

Ayon sa imbestigasyon ng Rosales Municipal Police Station ang bus ay umaandar mula sa hilaga patungong timog ng McArthur Highway nang hindi sinasadyang mabangga ang biktima sa front bumper nito (kaliwang bahagi).

--Ads--

Nagtamo ng malubhang sugat ang biktima na agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Dinala naman na ang driver ng bus sa Rosales Municipal Police Station para sa karagdagang imbestigasyon.

Samantala, patuloy na nagsasagawa ng pagsisiyasat ang pulisya para maunawaan ang eksaktong sanhi ng aksidente at matiyak na maibibigay ang nararapat na hustisya para sa pamilya ng biktima.