Sugatan ang hindi bababa sa pitong katao matapos ang isang pamamaril malapit sa kampus ng Indiana University sa Bloomington, Indiana, Estados Unidos, madaling-araw nitong Linggo, kasabay ng pagdiriwang ng homecoming weekend ng unibersidad.

Ayon kay Bloomington Deputy Chief of Police Ryan Pedigo, nakarinig ang mga pulis ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa gitna ng malaking grupo ng mga tao bandang alas-1:30 ng madaling-araw, bago namataan ang isang lalaking tumatakbo palayo sa lugar habang may dalang baril.

Pinaniniwalaang nagkaroon muna ng gulo o away sa gitna ng mga tao bago sumiklab ang pamamaril.

Narekober din ng mga awtoridad ang isang baril at ilang basyo ng bala sa lugar ng insidente.

May isang indibidwal nang nasa kustodiya ng pulisya, subalit hindi pa matiyak kung siya ang responsable sa pamamaril.

Hindi pa batid ang kasalukuyang kondisyon ng mga nasugatan, habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung may iba pang biktimang hindi pa naiuulat.

Wala namang naitalang nasawi sa nasabing insidente.

--Ads--