Dagupan City – Inilatag na ng Pamahalaang Bayan ng San Quintin ang kanilang opisyal na Traffic Management Plan bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga mamamayan at bisita sa mga sementeryo ngayong paggunita ng Undas 2026.

Layunin ng nasabing plano na tiyakin ang maayos at tuloy-tuloy na daloy ng trapiko, pati na rin ang kaligtasan at kaayusan ng pangkalahatang publiko sa buong panahon ng pag-alala sa mga yumaong kababayan.

Kabilang sa mga detalyeng inayos ng lokal na pamahalaan ay ang pagtatalaga ng mga tiyak na lugar at ruta tulad ng mga entrance para sa mga tao at sasakyan, mga drop-off point upang maiwasan ang pagpapatagal sa mga daanan, mga Public Assistance Desk para sa mabilis na pagtulong, at mga nakatakdang exit route para sa maayos na paglabas ng mga sasakyan.

--Ads--

Nagpaalala at nakiusap ang pamahalaang bayan sa lahat ng mga dadalaw na sundin ang mga itinalagang ruta at buong-pusong makipagtulungan sa mga traffic personnel at awtoridad na ikakalat sa paligid ng mga sementeryo.

Patuloy ang masinsinang paghahanda ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang isang ligtas, maayos, at mapayapang paggunita ng Undas ngayong taon.