Courtesy: Rest of World

Nagbigay ng babala si Atty. Joey Tamayo hinggil sa lumalalang problema ng labis na paggamit ng computer ng mga kabataan, na nakaaapekto sa kanilang pag-aaral, disiplina, at buhay-pamilya.

Ayon pa sa ulat, ang mga hindi reguladong computer shops o pisonet ay nagiging daan umano para sa exposure ng mga menor de edad sa malalaswang content, na iniuugnay sa mga isyung tulad ng teenage pregnancy at pang-aabuso.

May mga insidente rin umano ng pagnanakaw ng mga bata sa kanilang mga magulang upang makapagsugal sa online games gaya ng horse racing na naa-access sa mga naturang computer.

--Ads--

Iminungkahi ng lokal na pamahalaan ang pagbuo ng ordinansa upang limitahan ang paggamit ng computer—partikular sa oras at layunin—at ituon ito sa research at pag-aaral.

Gayunman, nilinaw ni Tamayo na kahit wala pang ordinansa, maaari nang kumilos ang mga awtoridad gamit ang Republic Act No. 386 (Civil Code of the Philippines), partikular ang probisyon sa abatement of public nuisance.

Aniya, ang mga gawain na nakakasama sa kalusugan, moralidad, at kapakanan ng komunidad—tulad ng labis at hindi kontroladong paggamit ng computer ng kabataan—ay maaaring ituring na public nuisance at agad na aksyunan.

Sa Dagupan City, nabanggit din ang mga hakbang laban sa pornographic sites at ang posibilidad na limitahan ang oras ng paggamit ng computer, lalo na sa gabi, upang maiwasan ang sobrang pagkababad ng mga bata.

Dagdag pa niya, maaaring limitahan ng mga barangay ang paggamit ng internet para sa mga layuning pang-edukasyon habang wala pang pinal na ordinansa.

Sa huli, hinikayat ang mga magulang at barangay officials na magtulungan upang maagapan ang problema at maprotektahan ang kapakanan ng kabataan.