Inaasahang mas lalalim pa ang usapin sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte sa mga susunod na pagdinig ng Kamara.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay France Castro — Former Representative, Alliance of Concerned Teachers, posibleng madagdagan pa ang mga ebidensyang ihaharap laban sa bise presidente, partikular na kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds at hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Ayon kay Castro, kabilang sa mga inaasahang maglalantad ng mahahalagang impormasyon ay ang mga testimonya at affidavit na isinumite na sa mga nakaraang linggo.

--Ads--

Binanggit niya ang posibleng pagtalakay sa umano’y “hidden wealth” ng pamilya Duterte, na maaaring suportahan ng datos mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Dagdag pa niya, inaasahan ding ihaharap sa pagdinig ang mga dokumentong hawak ng Office of the Ombudsman, kabilang ang SALN ng bise presidente, na maaaring magpatunay sa mga paratang.

Iginiit din nito na mas makabubuti kung personal na haharap si Duterte upang sagutin ang mga akusasyon.

Sa kabila nito, naniniwala si Castro na hahantong pa rin sa paglalabas ng katotohanan ang proseso—dumalo man o hindi ang bise presidente—dahil sa dami ng testigong inaasahang magsasalita.

Sa hiwalay namang usapin, nagbigay rin ng reaksyon si Castro sa pahayag ni Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez hinggil sa kanyang planong pagbiyahe sa ibang bansa.

Ayon kay Castro, mahalagang mabantayan ang mga ganitong galaw lalo na kung may kaugnayan sa mga iniimbestigahang isyu.

Bagama’t hindi pinayagan ng Office of the Ombudsman si Romualdez na bumiyahe sa Singapore para sa kaniyang medical checkups.

Sa kabuuan, nananatiling nakaabang ang publiko sa susunod na hakbang sa flood control anomalies hearing isang prosesong maaaring magtakda ng panibagong yugto sa pananagutan ng mga mataas na opisyal ng bansa.