Pinaigting ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Bayambang, Pangasinan ang kahandaan ng bayan laban sa posibleng epekto ng El Niño matapos magsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment meeting kamakailan.

Ito ay bilang pagtugon sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government upang higit na mapahusay ang koordinasyon, mitigation, at preparedness measures ng lokal na pamahalaan kaugnay ng banta ng matinding tagtuyot at iba pang kaugnay na panganib.

Tinalakay rin ang mga posibleng epekto ng El Niño sa kalusugan, agrikultura, suplay ng tubig, at enerhiya, kasabay ng paglatag ng mga konkretong hakbang upang mabawasan ang magiging pinsala nito sa komunidad.

--Ads--

Ayon sa mga kinauukulang tanggapan, nananatiling matatag ang suplay ng tubig at kuryente sa bayan, ngunit patuloy na hinihikayat ang publiko na magtipid sa konsumo at gumamit ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya tulad ng solar power.

Kabilang sa mga napagkasunduang hakbang ang pagbabawal sa pagsusunog ng mga tirang pananim gaya ng mais upang maiwasan ang sunog, paghihikayat sa mga mamamayan na magtipid sa tubig at kuryente, at ang posibilidad ng pagpapatupad ng online classes sakaling lumala ang epekto ng tagtuyot.