Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na naging mapayapa ang paggunita ng Holy Week 2026 sa buong bansa, kung saan ‘walang naitalang malalaking insidente hanggang nitong araw ng Lunes, Abril 6.

Batay sa datos ng pulisya, bumaba ang bilang ng vehicular accidents mula 9,388 noong nakaraang taon papunta sa 8,259 ngayong taon. Naitala rin ang pagbaba sa drowning incidents mula 143 patungong 84.

Gayunpaman, kapansin-pansin ang pagtaas ng fire incidents, na umabot sa 170 ngayong taon mula sa 82 noong 2025.

--Ads--

Sa isang pulong balitaan, inamin ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na may kinalaman ang pagkaantala sa procurement ng fire trucks sa pagtaas ng sunog.

Samantala, bumaba rin ng 23% ang focus crimes mula sa 1,574 kaso noong 2025 papunta sa 1,207 ngayong taon.

Kabilang sa mga naitalang pagbaba:

Murder: mula 165 naging 160
Homicide: mula 65 naging 49
Robbery: mula 157 naging 153
Theft: mula 508 naging 443
Rape: mula 404 bumaba sa 139 (pinakamalaking pagbaba)
Carnapping: motor vehicles mula 13 naging 6; motorcycles mula 10 naging 4
Sa kabuuan, bumaba ng 13% ang total recorded incidents sa buong bansa mula 11,187 noong 2025 sa 9,720 ngayong 2026.

Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., malaki ang naging papel ng pakikipagtulungan ng mga local government unit at iba pang law enforcement agencies sa pagbaba ng krimen.

Binigyang-diin ng PNP na mahalaga ang patuloy na koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan at mamamayan upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan lalo na sa panahon ng malalaking okasyon.