DAGUPAN CITY- Binigyan halaga ni Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Department of Health (DOH) Region I, ang pagpapanatili ng magandang kalinisan sa katawan upang maiwasan ang pagkakaroon ng pigsa at kuto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Bobis, kadalasan nagdudulot nito ang palagiang pagpapawis dulot ng bacterial infection.
Maaari rin itong makuha sa pamamagitan ng close contact sa mayroong maruming hygiene.
Aniya, ugaliin ang pagligo araw araw upang hindi pamahayan ng bacteria ang balat.
Kung sakaling magkaroon ng pigsa, lumapit aniya, sa mga espesyalista para makakuha ng tamang reseta.
Iwasan naman ang pagputok nito ng kung anong bagay dahil maaari lamang itong magkaroon ng impeksyon.
Samantala, hindi pinatotohanan ni Dr. Bobis na ang pagkakaroon ng kuto ay dulot ng direktang exposure sa sikat ng araw, bagkus, dulot din ng hindi magandang hygiene sa buhok.
Aniya, ito ay nakakahawa, lalo na sa mga kasamahan sa bahay.
Kung may kuto, mabuting pumunta sa ospital para sa anti-parasitic shampoo.
Inaabisuhan ni Bobis na buong miyembro ng pamilya ang gumamit nito upang mahinto ang hawaan.
Bukod pa riyan, linis din ang mga bagay na nadapuan ng buhok ng nagkakuto, katulad ng bedsheet at kumot.










