Dagupan City – Ipinatupad ng pamahalaang bayan ng Bayambang ang flexible work arrangement para sa mga opisyal at empleyado sa Abril 6 kasunod ng pagtatapos ng taunang pista ng bayan.
Nakasaad sa Executive Order No. 31, Series of 2026 ang layunin ng hakbang na mabigyan ng pagkakataon ang mga kawani na makapagpahinga matapos ang sunod-sunod at mabibigat na aktibidad mula Marso 28 hanggang Abril 5.
Inatasan ang mga pinuno ng tanggapan na magpatupad ng work-from-home setup o skeletal workforce upang matiyak na may sapat na pahinga ang mga empleyado nang hindi naaapektuhan ang paghahatid ng serbisyo publiko.
Gayunman, mananatiling bukas at tuloy-tuloy ang operasyon ng mga tanggapan na may kinalaman sa mahahalagang serbisyo.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na kailangang tiyakin ng mga kinauukulang opisina ang sapat na bilang ng tauhan upang patuloy na matugunan ang pangangailangan ng publiko.










