DAGUPAN CITY- Inaasahan na magiging simpe at tahimik ang paggunita ng semana santa sa Israel dahil sa umiiral na giyera sa Middle East.
Ayon kay Mhel Grace Iseco, Bombo International News Correspondent sa Israel, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi pa tiyak ngunit umaasa ang mga tao sa bansa na magunita ang Holy Week nang mapayapa.
Aniya, inaabisuan ng gobyerno na iwasan muna ang anumang uri ng pagtitipon para sa kanilang kaligtasan, lalo na’t nakakatanggap pa rin ng pagpapasabog o pag-atake ang Israel.
At sa taong ito ay aasahan na nilang simple lamang ang mangyayaring selebrasyon ng holy week sa kanilang bansa.
Ikinalulungkot nila na magiging tahimik ngayon ang kanilang paggunita kumpara sa nagdaang taon na dinadagsa ng turista ang bansang Israel, partikular na sa mga Holy Places tulad ng Jerusalem at Nazareth.
Ibinahagi naman ni Iseco na hindi naging madali sa kaniya ang pag-adjust sa mga kasanayan sa Israel tuwing holy week dahil may halong iba’t ibang kultura ang mga ito.
Gayunpaman, taon-taon pumupunta ang kanilang pamilya sa Jerusalem upang mas maramdaman ang paggunita.
Dagdag pa niya, isa kaugalian ng mga Jewish na kumain ng matzah sa tuwing pesach o passover.
Ang matza ay isang uri ng tinapay ng mga hudyo.










