Dagupan City – Patuloy na hinaharap ng Barangay Carael ang suliranin sa basura matapos mapansin ang tambak na mga basurang nakakalat sa gilid ng kalsada na hindi agad nakokolekta.

Ayon kay Kagawad Salvador Fernandez, isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang kakulangan sa tamang paghihiwalay o segregation ng basura ng ilang residente.

Dahil sa patakaran ng lungsod na “no segregation, no collection,” nahihirapan ang barangay na masiguro ang regular na pagkuha ng basura.

--Ads--

Ilan sa mga residente ay sumusunod sa tamang paghihiwalay ng basura, ngunit may mga hindi pa rin nakikiisa, dahilan upang maipon ang mga ito sa mga kalsada.

Dagdag pa rito, nagiging sanhi rin ng pagkalat ng basura ang mga aso na naghahalungkat sa mga nakatambak na basura.

Kamakailan ay nagsagawa ng paglilinis sa barangay kung saan kinolekta ang mga basurang naipon sa Materials Recovery Facility (MRF) at iba pang lugar sa komunidad.

Gayunpaman, nananatiling hamon ang tuluyang pagsasaayos ng sistema sa pamamahala ng basura.

Upang matugunan ang problema, nakatakdang magsagawa ng pagpupulong ang barangay sa Marso 22 kung saan tatalakayin ang mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation at pagpapalakas ng disiplina ng mga residente sa tamang pagtatapon ng basura.

Hinihikayat ng barangay ang lahat ng mamamayan na makiisa sa pagpapatupad ng mga alituntunin upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa komunidad at masiguro ang tuloy-tuloy na koleksyon ng basura mula sa lungsod ng Dagupan.