Dagupan City – Nagpahayag ng kahandaan si Board Member Rose Apaga ng 5th District ng Pangasinan na patuloy na suportahan ang mga programa at proyekto para sa kaunlaran ng bayan ng Laoac.

Ayon kay Apaga, bukas ang kanyang tanggapan sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang matalakay ang mga posibleng proyekto at inisyatiba na makatutulong sa mga residente ng bayan.

Inaasahan din niyang magkakaroon ng pagkakataon na makausap nang masinsinan ang alkalde ng Laoac upang mapag-usapan ang mga programang maaaring maisakatuparan para sa komunidad.

--Ads--

Sa tuwing may mga aktibidad at programa sa bayan, patuloy aniyang nakikibahagi ang kanyang tanggapan sa pagbibigay ng tulong at suporta sa mga residente.

Nagpasalamat din si Apaga sa mga mamamayan ng Laoac sa patuloy na pagtitiwala, suporta at pagmamahal na ibinibigay sa kanya bilang kanilang kinatawan sa Sangguniang Panlalawigan.

Tiniyak naman ng board member na mananatiling bukas ang kanyang tanggapan sa mga programang makatutulong sa pag-unlad ng bayan at kapakanan ng mga mamamayan sa ikalimang distrito ng Pangasinan.