Dagupan City – Naglabas ng mga panuntunan ang lokal na pamahalaan ng San Fabian, Pangasinan para sa paggunita ng Undas 2026, alinsunod sa Executive Order No. 54, Series of 2026, na naglalayong matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kaayusan sa buong bayan.
Kabilang sa mga nakasaad sa kautusan ang mga regulasyon sa operasyon ng mga sementeryo at columbarium, pagbabawal sa ilang bagay at aktibidad, mga hakbang pangkaligtasan sa mga baybaying lugar, at pagpapatupad ng traffic rerouting scheme.
Inihanda ang mga hakbang na ito bilang tugon sa inaasahang pagdami ng mga bibisita sa mga sementeryo at iba pang lugar sa bayan sa panahon ng paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Saklaw din ng mga panuntunan ang mga residente, bisita, at mga San Fabianong uuwi sa kanilang bayan upang makibahagi sa paggunita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Inatasan ang publiko na alamin at sundin ang mga itinakdang alituntunin, partikular ang mga regulasyon sa loob ng mga sementeryo at beach areas, gayundin ang mga pagbabago sa daloy ng trapiko.
Inilabas na rin ng lokal na pamahalaan ang kumpletong safety guidelines at traffic rerouting scheme upang magsilbing gabay ng mga motorista at publiko.
Hinihikayat ang lahat na makipagtulungan sa mga kinauukulang awtoridad upang matiyak ang ligtas, mapayapa, at maayos na paggunita ng Undas 2026 sa bayan ng San Fabian.










