Nasungkit ng Golden State Valkyries ang kauna-unahang kampeonato nito sa Women’s National Basketball Association o WNBA matapos pataubin ang Atlanta Dream, 68-63, sa deciding Game 7 ng Finals.
Pinangunahan ni Gabby Williams ang panalo ng Valkyries matapos magtala ng 30 puntos, kabilang ang 28 puntos sa second half na siyang naging rekord para sa pinakamataas na puntos na naitala ng isang manlalaro sa isang half sa kasaysayan ng WNBA Finals.
Nakuha rin ni Williams ang Finals Most Valuable Player award matapos pangunahan ang koponan sa kanilang makasaysayang kampanya.
Naging dikdikan ang laban matapos makalamang ang Atlanta sa halftime, 30-24. Gayunman, bumawi ang Golden State sa third quarter sa pangunguna ni Williams upang maagaw ang kalamangan, 45-44, bago tuluyang kontrolin ang laro sa huling quarter.
Nagtala naman si Jordin Canada ng 18 puntos para sa Atlanta, habang may 16 puntos si Allisha Gray at walong puntos at 12 rebounds si Angel Reese.
Ito ang unang WNBA championship ng Golden State Valkyries sa ikalawang season pa lamang nito sa liga, matapos manaig sa serye sa kartadang 4-3.
Nabigo naman ang Atlanta Dream na makuha ang kauna-unahang titulo nito sa ikaapat na pagtatangka sa WNBA Finals.
Ang Game 7 ay ginanap sa harap ng mahigit 18-libong manonood sa Chase Center sa San Francisco, California.










