Dagupan City – Tatlumpung pedicab driver ang kinuha ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan, upang magbigay ng libreng sakay sa mga sementeryo ngayong Undas, kasabay ng paghahanda ng bayan sa inaasahang pagdagsa ng mga dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Saklaw ng libreng transportasyon ang mga senior citizen, persons with disabilities o PWDs, at mga buntis na bibisita sa mga pampubliko at pribadong sementeryo mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1.
Bahagi ito ng taunang programa ng lokal na pamahalaan na ipinatutupad tuwing Undas mula pa noong 2022.
Sa ilalim ng programa, hindi lamang libreng transportasyon ang inilalaan para sa mga kwalipikadong pasahero, kundi pagkakakitaan din ito ng mga napiling pedicab driver.
Samantala, nagtalaga rin ang lokal na pamahalaan ng Incident Command Post upang subaybayan ang sitwasyon at tumugon sa mga posibleng insidente sa mga sementeryo at karatig-lugar.
Nakaalerto rito ang Mangaldan Police, mga katuwang na force multiplier, at medical team mula sa Municipal Health Office upang magbigay ng seguridad at agarang serbisyong medikal kung kinakailangan.
Inaasahan namang mas dadami ang mga bibisita sa mga sementeryo sa Nobyembre 1.
Kaugnay nito, maglalagay din ang lokal na pamahalaan ng mga libreng inuming tubig at mamamahagi ng mga basket ng bulaklak bilang bahagi ng paggunita sa mga yumaong opisyal ng bayan.
Patuloy namang pinapaalalahanan ang publiko na maging maingat, sumunod sa mga alituntunin sa mga sementeryo, at makipag-ugnayan sa mga nakatalagang awtoridad sakaling mangailangan ng tulong.










