Ginugunita ngayong araw ang ika-15 anibersaryo ng mapaminsalang lindol na yumanig sa Japan taong 2011 na nagdulot ng malawakang pinsala at libu-libong nasawi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi ni Hannah Galvez – Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa ang kanyang karanasan noong tumama ang 2011 Great East Japan Earthquake na may lakas na magnitude 9.0 — ang pinakamalakas na lindol na naitala sa kasaysayan ng Japan.
Ayon kay Galvez, naganap ang lindol habang siya ay nagtatrabaho bilang guro sa isang junior high school.
Ikinuwento niya na siya lamang ang dayuhang guro sa kanilang paaralan noong panahong iyon.
Habang nagpapatuloy ang meeting ng mga guro, napansin niya ang pagyanig ngunit hindi agad niya nasabi sa wikang Hapon ang salitang “earthquake.”
Kalaunan ay nagkaroon ng kaguluhan sa loob ng silid at agad na pinapunta ng punong-guro ang mga guro sa kani-kanilang mga classroom upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante.
Ang naturang lindol ay nagdulot ng tinatawag na “triple disaster” — malakas na lindol, tsunami, at ang nuclear meltdown sa Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant.
Ipinaliwanag ni Galvez na bagama’t napakalakas ng lindol noong 2011, hindi na bago sa Japan ang ganitong sakuna dahil kabilang ito sa mga bansang madalas makaranas ng lindol.
Ayon sa kanya, bahagi na ng kultura ng bansa ang paghahanda sa mga sakuna tulad ng lindol, sunog at tsunami.
Dagdag pa niya, ang mga estudyante ay may matitibay na school bags na maaaring gamitin upang protektahan ang ulo sakaling magkaroon ng lindol.
Bukod sa mga drill, binigyang-diin ni Galvez ang maayos na koordinasyon ng pamahalaan at mga ahensya sa oras ng sakuna.
Ayon sa kanya, malinaw ang chain of command mula sa pamahalaan hanggang sa mga lokal na pamahalaan, rescue teams, medical personnel at evacuation centers.
Ibinahagi rin niya na patuloy na pinapalakas ng Japan ang kanilang disaster communication systems.
Kamakailan lamang ay ginagamit ang social media platform na LINE upang mabilis na maipaalam kung ligtas ang mga tao sa oras ng sakuna at upang magbigay ng real-time updates sa publiko.
Malaki aniya ang papel ng teknolohiya sa mabilis na pagpapalaganap ng impormasyon sa mga residente.
Sa kanyang mensahe sa mga Pilipino sa Japan at sa Pilipinas, hinimok ni Galvez ang lahat na maging handa at makinig sa mga abiso ng pamahalaan sa panahon ng sakuna.










