Nagbabala ang natural health at herbalist consultant na si Dr. Wilsky Delfin na ang mahinang metabolismo na dulot ng maling pagkain at lifestyle ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit tulad ng problema sa puso, atay at iba pang organs.
Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, ipinaliwanag ni Delfin na mahalaga ang metabolismo sa tamang paggamit ng katawan sa sustansiyang mula sa pagkain.
Aniya, tinatayang 70 porsiyento ng metabolismo ay maaaring mamana, habang 30 porsiyento naman ay naaapektuhan ng lifestyle gaya ng pagkain at pang-araw-araw na gawain.
Ayon sa kanya, ang madalas na pagkain ng fast food at processed food ay nakapagpapahina sa metabolismo at maaaring magdulot ng tinatawag na metabolic syndrome.
Upang mapabuti ang metabolismo, inirerekomenda ni Delfin ang pagkain ng good fats tulad ng isda, olive oil at avocado, pati na ang mga pagkaing mayaman sa protina tulad ng itlog, manok at karne.
Nagbahagi rin siya ng ilang natural na paraan tulad ng pag-inom ng maligamgam na tubig na may lemon sa umaga, herbal drink mula sa luya, cinnamon at cloves, at wild honey na may bawang.
Gayunman, binigyang-diin niya na mahalaga pa ring kumonsulta sa doktor o endocrinologist bago magsimula ng anumang weight-loss program upang matiyak na ligtas at angkop ito sa kondisyon ng katawan.










