Sa gitna ng lumalalang krisis sa mundo, lalo na sa Middle East na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at ng mga bilihin, muling binibigyang-diin ang kahalagahan ng responsableng pamumuhay at pagtutulungan sa panahon ng kahirapan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joey Tamayo Co – Anchor ng Duralex Sedlex, ayon sa Article 25 ng Civil Code (Republic Act No. 386), mayroong limitasyon sa ostentatious display o labis-labis na pagpapakita ng yaman, kabilang ang mga marangyang party at sobrang paggastos.
Kapag nangyari ito sa panahon ng kahirapan, may kapangyarihan ang hukuman na ipatigil o isara ang naturang pagtitipon.
Bagamat bihira ang ganitong kaso at wala pang naiulat sa Dagupan City at iba pang bahagi ng Pangasinan, paalala ng batas na ang hukom ay may kapangyarihang magpatigil sa sobra-sobrang extravaganza.
Ang layunin nito ay mapanatili ang kaayusan at hikayatin ang pagtutulungan sa komunidad, lalo na sa mga panahong maraming naghihirap.
Sa konteksto ng kasalukuyang krisis sa langis, kung hindi mabilis ang produksiyon ng krudo sa Middle East, tataas ang demand at presyo ng petrolyo, na siya ring magdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ito ay nagbubunsod ng mas malaking hamon sa pamumuhay ng ordinaryong mamamayan, kaya’t higit na mahalaga ang responsableng paggamit ng yaman.










