Ibinahagi ng ilang mag-aaral ng Pangasinan State University (PSU) ang kanilang paghahanda para sa darating na 21st Luzonwide Higher Education Press Conference (LHEPC) na gaganapin sa lungsod ng Tuguegarao, Cagayan mula March 17 hanggang 19, 2026.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kina Marc Wilson MJ Buaron, estudyante ng Architecture na sasabak sa Layouting and Traditional Literary Graphics; Mark Justine Dave Ymana, estudyante ng Architecture na sasabak sa Traditional Editorial Cartooning; at si Amador S. Acosta III mula sa PSU Urdaneta na lalahok sa Sports Writing.
Ayon kay Buaron, associate editor ng opisyal na publikasyon ng PSU Urdaneta, masigasig niyang pinaghahandaan ang layout at literary requirements, ngunit ang pangunahing layunin niya ay i-enjoy ang karanasan sa patimpalak.
Samantala, sinabi ni Ymana na bahagi ng kanyang paghahanda ang palaging pagbasa at pagiging updated sa mga balita.
Para naman kay Acosta, editor-in-chief ng kanilang unibersidad, mahalaga ang pagbabasa ng sports articles bilang reference sa pagsusulat para sa Sports Writing competition sa Filipino.
Hamon nila sa kanilang mga kapwa estudyante na sumali sa kompetisyon na mas malalim na pag-aralan ang kanilang tatahakin.
Hindi lamang ang panalo ang layunin, kundi ang maibahagi rin ang kaalaman sa iba.
Dagdag pa nila, layunin ng kanilang pagsali na ipaglaban ang karapatan ng kabataan na marinig ang kanilang boses para sa kapwa Pilipino.
Ang LHEPC ay taunang inorganisa ng Association of Luzonwide Tertiary Press Advisers (ALTPA) at tampok dito ang mga mag-aaral sa kolehiyo na nanalo sa kani-kanilang Regional Higher Education Press Conference (RHEPC).
Ipinapakita ng kaganapang ito ang iba’t ibang kompetisyon sa pamamahayag para sa mga mag-aaral mula sa buong Luzon.










