Dagupan City – Tinanggal sa listahan ng mga rehistradong botante sa Binmaley, Pangasinan ang humigit-kumulang 2,800 indibidwal matapos hindi makaboto sa dalawang magkasunod na general elections.
Ayon kay Election Officer IV Estrella Cave ng Commission on Elections (COMELEC) Binmaley, kabilang sa mga na-delete ang mga rehistradong botanteng hindi nakaboto sa dalawang sunod na halalan, alinsunod sa umiiral na patakaran ng COMELEC.
Upang mabigyan pa ng pagkakataon ang mga apektadong botante, hinihikayat ng tanggapan ang mga ito na magtungo sa COMELEC office sa Binmaley upang ma-update ang kanilang records at muling maibalik ang kanilang pangalan sa listahan ng mga rehistradong botante.
Ibinahagi rin ng opisyal na nagbigay na sila ng listahan ng mga botanteng naalis sa rehistro sa mga barangay upang makatulong ang mga opisyal ng barangay sa pagpapaalam sa kanilang mga nasasakupan na nasa listahan.
Sa pamamagitan nito, inaasahang maipapaabot sa mga apektadong botante ang impormasyon upang makapunta sila sa tanggapan ng COMELEC at maisaayos ang kanilang rekord bago ang susunod na halalan.
Dagdag pa ni Cave, nagpadala rin ang kanilang tanggapan ng mga indibidwal na liham sa mga botanteng tinanggal sa listahan bilang paalala na kinakailangan nilang mag-update ng kanilang records.
Binigyang-diin ng COMELEC Binmaley na kung hindi maa-update ng mga apektadong botante ang kanilang records, hindi sila makakaboto sa darating na eleksyon. Kaya hinihikayat ang mga ito na agad na magtungo sa kanilang opisina upang maisaayos ang kanilang rehistrasyon.










