DAGUPAN CITY—Patuloy na pasanin para sa mga jeepney driver ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, ayon kay Marlyn Dela Cruz, presidente ng BUSINA.
Sinabi ni Dela Cruz na ang mga patuloy na pagtaas ay kabilang sa pinakamahirap na hamon para sa mga modern-jeepney at tradisyonal na jeepney driver. Isa sa kanilang plano ay ang “cross-cutting” ng kanilang pasada dahil hindi na kayang pasanin ng mga driver at operator ang gastos sa pagbiyahe. Kasama sa mga gastos na ito ay hindi lamang ang gasolina kundi pati na rin ang maintenance at mga materyales kung masira ang sasakyan.
Bagaman nakakatulong ang fuel subsidy ng Department of Energy (DOE), iginiit ng BUSINA na mas makakabuti sa mga driver kung tatanggalin ang fuel excise tax. Hinihikayat din nila ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na patuloy na maghanap ng mas mahusay na pamamaraan upang mapabuti ang transport system ng bansa, partikular na sa mga jeepneys.
Nanawagan naman si Dela Cruz na pabilisin ang pagbibigay ng fuel subsidies upang maiwasan na ang ilan sa mga driver ay hindi na makapagpatuloy sa kanilang pasada. Kung hindi ito maipapatupad, posibleng mabawasan ng higit kalahati ang bilang ng mga jeepney na bumibiyahe.
Nagbigay ang BUSINA ng dalawang posibleng solusyon: itaas ang minimum fare ng P1 o ibaba ang presyo ng gasolina. Gayunpaman, mas mainam na ipagkaloob ang fuel subsidy at sabay na ibaba ang presyo ng gasolina.
Hinihimok din ni Dela Cruz ang gobyerno na muling suriin ang malawakang Route Rationalization upang hindi na kailangan pang makipag-kompetensya sa ibang transportasyon.
Binigyang-diin din niya na kung walang agarang aksyon mula sa mga ahensya ng gobyerno, may posibilidad na maulit ang nangyari noong pandemya kung saan maraming jeepney driver ang napilitang manghingi ng pera sa kalsada.
Sa huli, kinwestiyon niya ang mga oil supplier tungkol sa biglaang pagtaas ng presyo ng gasolina kahit may sapat silang stock, at iginiit:
“Huwag naman po silang ganoon ka-garapal!”










