Dgaupan City – Pinaigting ng Basista Municipal Police Station ang kampanya laban sa kriminalidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng foot patrol at Oplan Bandillo sa Basista Public Market sa Barangay Poblacion.
Pinangasiwaan ni PMAJ Dexter A. Tayaba, hepe ng Basista MPS, ang aktibidad na naglalayong palakasin ang presensya ng pulisya at matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mamimili, tindero, at iba pang mamamayan.
Binigyang-diin sa operasyon ang pangangailangang maging mapagmatyag laban sa mga insidente ng salisi, pagnanakaw, at iba pang kriminal na aktibidad, lalo na sa mga mataong lugar tulad ng palengke.
Hinimok din ng mga pulis ang publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga personal na gamit at agad na iulat sa pinakamalapit na pulis ang anumang kahina-hinalang kilos.
Bahagi ang aktibidad ng patuloy na pagsisikap ng Basista MPS na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at mapalakas ang seguridad sa komunidad.










