Nasakote ng mga awtoridad ang isang 17-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa isang barangay sa bayan ng Binmaley.
Pinangunahan ng Binmaley Police Station ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency–Regional Office 1.
Target ng operasyon ang nasabing menor de edad na kabilang sa kategoryang Child in Conflict with the Law.
Ayon sa imbestigasyon, nabisto ang suspek matapos makipagtransaksyon sa isang operatibang nagpanggap na buyer.
Narekober mula sa kanya ang isang plastic sachet na may hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 0.10 gramo at may tinatayang halagang ₱1,360 batay sa standard drug price.
Matapos ang pagkakaaresto, isinailalim ang menor de edad sa medical examination sa isang district hospital bago dinala sa istasyon ng pulisya para sa kaukulang proseso at dokumentasyon.
Inaasahang isasampa laban sa kanya ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










