Nagbigay ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa isang Filipino seafarer na nasugatan sa umano’y drone attack sa oil tanker na ACER sa Persian Gulf noong Oktubre 7. Ligtas naman ang 24 pang Pilipinong tripulante ng barko.
Ayon sa DMW, nasagip ang nasugatang seafarer ng Qatar Navy at Qatar Coast Guard at dinala sa Hamad General Hospital sa Doha, Qatar, kung saan siya kasalukuyang nagpapagamot.
Dinalaw siya ng Migrant Workers Office at Overseas Workers Welfare Administration sa Doha, sa pangunguna ni Labor Attaché Eduard C. Ferrer, at binigyan ng damit at iba pang pangunahing pangangailangan.
Patuloy na imo-monitor ng DMW ang kondisyon ng seafarer at makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya para sa kaniyang paggaling at repatriation. Samantala, bumiyahe na patungong Dubai ang iba pang 24 na Pilipinong tripulante, kung saan inaasahang dadaong ang barko.










