Makikita ang isang pambihirang total lunar eclipse ngayong gabi sa buong Pilipinas.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA-DOST), magsisimula ang kabuuang eclipse bandang alas-7:04 PM, aabot sa maximum na peak sa alas-7:34 PM, at magtatapos sa 8:03 PM, na may kabuuang tagal na halos 59 minuto.
Ang lunar eclipse ay nagaganap kapag ang Earth ay dumadaan sa pagitan ng araw at ng buwan, kaya’t ang anino ng mundo ay tumatabon sa buwan.
Sa panahon ng totality, nagiging pulang kulay ang buwan, tinatawag na “Blood Moon” dahil ang atmosphere ng mundo ay nagsasala ng liwanag mula sa araw, pinipigil ang maiikling asul na wavelength at hinahayaan ang pulang liwanag na umabot sa buwan.
Makikita ang kabuuang eclipse hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa East Asia, Australia, Central Pacific, at karamihan ng Americas. Sa Manila, sisikat ang buwan bandang 5:58 PM na bahagyang eclipsed na, at tuluyang lalabas mula sa penumbral shadow bandang 10:25 PM.
Ayon kay weather specialist Chenel Dominguez, inaasahang generally fair weather sa malaking bahagi ng bansa kaya’t malinaw na matatanaw ang eclipse.
Nilinaw din ng mga eksperto na walang dapat ikatakot sa tinatawag na Blood Moon, taliwas sa mga lumang pamahiin na nag-uugnay nito sa masamang pangyayari.
Ang kaganapang ito ay isa sa mga pinakaaabangang astronomical events ng taon.
Hindi tulad ng solar eclipse na nakikita lamang sa makitid na bahagi ng mundo, ang lunar eclipse ay matatanaw ng lahat ng nasa night side ng Earth.
Para sa mga Pilipino, ito ay pagkakataon upang masaksihan ang ganda ng kalikasan at mas mapalalim ang interes sa astronomy at mga kahalintulad na pag-aaral.










