Dagupan City – Nakikitang magiging mitsa ng repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang nakababahalang airstrike na nagyayari sa Israel.
Ayon kay Shay Kabayan, Bombo International News Correspondent sa Israel, patuloy nilang sinusunod ang mandato ng mga opisyal, partikular ang agarang pagpasok sa mga dome shelter tuwing may naririnig na pagsabog o may inilalabas na babala ang awtoridad.
Isinalarawan nito ang kasalukuyang sitwasyon bilang lubhang nakakatakot, lalo’t hindi umano nila alam kung kailan muling magpapaputok ang Iran.
Aniya, mas matindi ang mga pag-atake ngayon kumpara sa naganap noong nakaraang taon dahil wala pang 15 minuto matapos ang unang pagsabog ay agad itong nasusundan ng panibagong pagpapaputok.
Dagdag pa niya, hindi lamang umano sa Tel Aviv nararanasan ang mga pag-atake kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng buong bansa.
Sa kabila nito, nananatili pa ring kalmado ang pamahalaan ng Israel at patuloy ang kanilang pagsisikap na matiyak ang kaligtasan ng mga residente, kabilang ang mga dayuhan at mga OFW.
Samantala, umaasa at nananalangin ang mga Pilipino sa Israel na agad nang matapos ang lumalalang tensyon at hindi na tuluyang humaba pa ang umiiral na sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.










