Mas pinaigting ng pamahalaang bayan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Pedro “Pete” Merrera III ng Binmaley, Pangasinan, ang pagpapatupad ng iba’t ibang programa at proyekto sa mga barangay, partikular ang paglalagay ng solar-powered streetlights bilang bahagi ng adbokasiya para sa kaligtasan ng mga motorista at mamamayan.

Marami nang proyekto ang naisakatuparan sa iba’t ibang barangay, kabilang ang instalasyon ng mga solar lights na mas maliwanag kumpara sa mga nakaraang ilaw na ginagamit sa mga kalsada.

Layunin ng proyektong ito na maprotektahan ang mga motorista at sasakyan laban sa posibleng aksidente, lalo na tuwing gabi kung kailan mas mataas ang panganib sa kalsada.

--Ads--

Bukod sa pagpapailaw sa mga lansangan, patuloy ding ipinaaalala ng alkalde ang kahalagahan ng pagsunod sa mga patakaran sa kalsada bilang dagdag na proteksiyon sa buhay.

Kabilang dito ang pagsusuot ng reflectorized vest ng mga motorista kapag bumibiyahe sa gabi upang mas maging kapansin-pansin sa ibang sasakyan, gayundin ang mahigpit na pagsusuot ng helmet.

Sa patuloy na pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura at disiplina sa kalsada, umaasa ang pamahalaan na mas mapababa ang insidente ng aksidente at mas mapanatiling ligtas ang mga komunidad sa buong bayan.