Dagupan City – Mas pinagtutuunan ngayon ng pansin sa mga aktibidad ng ASEAN ang pagpapalakas sa papel ng kababaihan sa pamumuno at paggawa ng polisiya kasabay ng paghahanda ng Pilipinas sa pagho-host ng mga international parliamentary engagements ngayong taon.

Ayon kay Pangasinan 3rd District Rep. Rachel Arenas, kabilang sa mga pangunahing paghahanda ang pagbisita sa bansa ng Women Parliamentarians of ASEAN sa Abril kung saan layuning palawakin ang partisipasyon ng kababaihan sa mga matataas na posisyon hindi lamang sa pamahalaan kundi maging sa iba’t ibang sektor at organisasyon.

Bahagi ng inihahandang programa ang serye ng makabuluhang talakayan, knowledge-sharing sessions, at pakikipagpalitan ng karanasan sa pagitan ng mga babaeng mambabatas mula sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia upang matukoy ang mga polisiya at programang makatutulong sa women empowerment at inclusive leadership.

--Ads--

Isinasama rin sa aktibidad ang pagbisita ng mga delegado sa mga unibersidad at livelihood centers sa Pilipinas upang maipakita ang mga programang sumusuporta sa kababaihan at komunidad, gayundin ang pagbabahagi ng mga epektibong modelo na maaaring maisakatuparan sa kani-kanilang bansa.

Kaugnay nito, binigyang-diin din ang kahalagahan ng pakikilahok ng kabataang lider, kabilang ang mga young parliamentarians, sa pagsusulong ng makabagong ideya lalo na sa larangan ng teknolohiya at social development na may direktang epekto sa kababaihan at kabataan.

Kasabay ng nalalapit na pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso, kinilala rin ang mahalagang ambag ng mga kababaihan sa lipunan, partikular ang kanilang patuloy na sakripisyo, katatagan, at papel sa paghubog ng mas inklusibo at progresibong pamahalaan.