Dagupan City – Ibinahagi ni Mayor Ricardo Balderas ng Laoac ang mga proyekto at plano ng kanilang bayan para sa patuloy na pag-unlad ngayong unang kwarter ng taon.
Kabilang dito ang pagbibigay prayoridad sa mga barangay road na hindi pa sementado gamit ang 20% development fund ng lokal na pamahalaan.
Nagpapatayo rin sila ng mga covered court sa tulong ni Congressman Ramon Monching Guico Jr. ng 5th District, at nagbubukas ng mga bagong kalsada na pinopondohan ng Department of Agrarian Reform at iba pang ahensya.
Ipinagmalaki rin ni Mayor Balderas ang kanilang malaking dairy farm na isa sa pinakamalaki sa Central Luzon.
Sa tulong ni Pangasinan Governor Monmon Guico III, patuloy na pinapalawak ang dairy farm at mayroon ding pabahay para sa mga alagang kalabaw para mapangalagaan ang kanilang kapakanan.
Bagama’t ang dairy farm ay pinamamahalaan ng pamahalaang panlalawigan, prayoridad na maging empleyado dito ang mga taga-Laoac upang matulungan sila sa kanilang pangangailangan.
Prayoridad din na ang mga magsasaka sa Laoac ang magsuplay ng pagkain para sa mga alagang baka at kalabaw para sa nasabing pasilidad.
Sa pamamagitan ng paggawa ng corn silage, 65 araw pa lamang ay maaari nang anihin ang mais, kaya’t mas mapapadali ang pagtatanim muli ng mga magsasaka.
Sa ganitong mga programa at proyekto, inaasahang makikitaan ng patuloy na pag-unlad ang bayan lalo na kung nabibigyan ng pansin ang kapakanan ng bawat mamamayan.










