Nakaranas ng aberya ang libo-libong users ng Microsoft nitong Biyernes, Nobyembre 13, matapos maiulat ang isang malawakang outage ng serbisyo nito sa ilang mga software.

Batay sa isang third-party detector na Downdetector, unang naitala ang halos 130,000 users na naantala ng naturang outage, partikular sa Microsoft Outlook, nitong 2:00 ng madaling araw ng Biyernes, ngunit bumaba naman ito sa 50,000 pagsapit ng 5:30 ng madaling araw.

Nakaranas din ng system outage ang ilan pang softwares nito tulad ng Microsoft Teams at ang AI assistant ng Microsoft na Copilot.

--Ads--

Batay sa ulat ng kumpanya, itinuturong dahilan ng connectivity issues ang “elevated load” sa mga imprastraktura nitong nakabase iba’t ibang rehiyon.

Kabilang sa mga apektado ang ilang users sa Timog-Silangang Asya tulad ng mga ilang IT professionals at BPO employees sa bansa.

Tiniyak naman ng Microsoft na tinutugunan na nila ang isyu at anila’y tinatahak ang lahat ng posibleng paraan upang maibsan ang epekto nito.

“We’re aggressively pursuing all pathways to reduce impact… We’ve paused all deployments, we’re moving additional traffic off the affected infrastructure, and we’re restarting affected servers to return them to service,” saad nito sa pahayag.