Dagupan City – Maghahatid ng mas komportable, maayos, at modernong karanasan sa pag-aaral ang bagong tayong twin three-storey, fully furnished school buildings ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan para sa mga mag-aaral ng Manaoag Central School.
Pinangunahan kamakailan ni Governor Ramon V. Guico III ang pormal na pagbabas at inagurasyon ng kambal na gusali na binubuo ng 27 fully furnished classrooms.
Pangunahing hangarin ng proyekto na agarang maibsan ang siksikan sa paaralan at makapagbigay ng maaliwalas at epektibong learning environment para sa mga estudyante at guro lalo na’t kumpleto na sa kagamitan at handa nang gamitin ang bawat silid-aralan.
Mainit na sinalubong ng mga mag-aaral, guro, magulang, at stakeholders ang nasabing hakbang na malaking tulong sa pang-araw-araw na pag-aaral sa nasabing paaralan.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang Lokal na Pamahalaan ng Manaoag, sa pangunguna ni Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario, sa kapitolyo dahil sa pagbibigay-prayoridad nito sa pagpapataas ng kalidad ng pasilidad pang-edukasyon sa kanilang bayan.
Bukod sa pagpapabuti ng sektor ng edukasyon, ibinahagi rin ni Governor Guico na ang twin building project ay simula pa lamang ng mas malawak na development plans ng probinsya para sa Manaoag.
Nakatakda pang magpatupad ng mga karagdagang proyekto ang Pamahalaang Panlalawigan sa mahigit apat na ektaryang lupain nito sa bayan, bilang pakikiisa sa layunin ni Mayor Rosario na pasiglahin ang lokal na ekonomiya at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Manaoagueño.










