Dagupan City – Nakiisa ang mga lokal na pamahalaan ng Lingayen, Binmaley at Bugallon sa pagsasagawa ng 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan ng mga komunidad laban sa panganib ng lindol at tsunami.

Isinagawa ang malawakang pagsasanay sa bayan ng Lingayen, kung saan naging bahagi ng aktibidad ang mga opisyal at residente ng Barangay Maniboc upang maisagawa ang mga kinakailangang hakbang sa pagtugon sa posibleng sakuna.

Nakipagtulungan ang LGU Binmaley at LGU Bugallon sa naturang aktibidad upang mapalawak ang koordinasyon at pagtutulungan ng mga karatig-bayan sa pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan.

--Ads--

Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga residente sa mga ganitong pagsasanay upang maging pamilyar ang publiko sa wastong pagresponde, paglikas at pagsunod sa mga safety protocol sa oras ng lindol o tsunami.

Sa pamamagitan ng regular na pagsasagawa ng NSED, layunin ng mga lokal na pamahalaan na mapalakas ang disaster preparedness at matiyak ang mas mabilis at organisadong pagtugon ng bawat komunidad upang maprotektahan ang buhay at kaligtasan ng mga mamamayan.